Kinumpiska ng mga awtoridad sa Hong Kong mula sa isang illegal lending company ang nasa 1,400 pasaporte ng mga overseas Filipino worker (OFW).

Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing ginamit daw ang mga pasaporte bilang pang-kolateral o isinasangla upang makautang.

Bukod sa bawal ang pagsasangla ng pasaporte, paso na rin umano ang lisensya ng kompanya.

Naibigay na raw ng Hong Kong authorities sa konsulado ng Pilipinas ang mga nakumpiskang pasaporte.

Dumulog na rin sa konsulado ang mga OFW na nakumpiskahan ng passport, at nag-apply na ang iba sa kanila ng bagong pasaporte.

Samantala, wala pang pahayag ang sinasabing lending company.--FRJ, GMA News