Nagbabala sa publiko ang Philippine Embassy sa Tripoli, Libya laban sa mga tao o ahensiya na nag-aalok ng trabaho sa nabanggit na bansa na kasalukuyang nahaharap sa krisis dahil sa nangyayaring civil war.

Sa isang pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA), sinabi ng embahada na patuloy na suspindido ang recruitment, processing, at deployment ng OFW sa Libya.

Idinagdag nito na sinabi rin ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na walang inilalabas na pahintulot sa sinuman para mag-recruit at magpadala ng mga nurse, engineers, at iba pang uri ng manggagawa sa Libya.

Ipinaalala ng embahada na tanging ang mga OFW na mayroong kasalukuyang kontrata sa Libya, at nakakuha ng certificates of exemption ang maaaring makapagbakasyon sa Pilipinas, at makabalik sa Libya.-- FRJ, GMA News