Batid na umano ng Philippine Consulate sa Hong Kong ang pagkakadakip sa isang Filipino doon dahil sa hinala ng mga awtoridad na kasama siya sa mga nagpoprotesta.

Sa inilabas na pahayag ng Department of Foreign Affairs nitong Lunes, sinabing nasa mabuting kalagayan ang Pinoy, na itinangging kasama siya nagaganap na protesta sa naturang teritoryo ng China.

"He was accosted by the police in the belief that he was one of the protesters," ayon sa DFA.

Nagkataon lang umano na bumibili ng pagkain ang Pinoy sa lugar kung saan may naganap na protesta.

Mayroon na umanong abogado na umaalalay sa naturang Pinoy para makalaya. Tiniyak din ng DFA na mapapangalagaan ang karapatan niya.

Dahil sa insidente, muling nagpaalala ang DFA sa mga Filipino sa Hong Kong na maging alerte at iwasan magpunta sa mga lugar na may nagaganap na protesta.

Iwasan din din ang magdala at magsuot ng anumang bagay na maaaring mapagkamalang silang bahagi ng protesta na nanawagan na tuluyang ibasura ang extraditions bill.

"The consulate continues to monitor the situation in Hong Kong and is ready to provide assistance to Filipinos if needed," ayon sa DFA.

Tinatayang 130,000 Filipino ang nasa Hong Kong, na karamihan ay nagtatrabaho bilang mga kasambahay.— FRJ, GMA News