Matapos na maging "alipin" ng isang pamilya sa Amerika ng tatlong dekada, nakamit na ng isang Filipina ang kaniyang kalayaan sa edad na 82-anyos. Sa kabila ng kaniyang sinapit, wala siyang balak na ipakulong ang kaniyang mga amo.

Taong 1981 nang dalhin si Nanay Fedelina, tubong-Tacloban, Leyte, sa Amerika gamit ang tourist visa. Mula noon, ginawa na siyang alila ng pamilya; walang sahod at hindi maayos ang pagkain.

Nalaman lamang ng mga awtoridad ang kaniyang kalagayan noong nakaraang taon matapos siyang mawalan ng malay habang binabantayan ang kaniyang amo sa ospital.

 


Isang kawani ng ospital ang nagsumbong sa FBI nang malaman nilang dalawang araw nang hindi kumakain ang matanda.

Sa imbestigasyon ng FBI, doon na lumabas ang katotohanan sa kalunos-lunos na kalagayan ni Nanay Fedelina, na biktima ng human trafficking at pagmamaltrato sa napakahabang panahon.

“They found out that Nanay Fedelina was working for the family and the extended family in various capacities,” sabi ni Consul General Adel Cruz sa GMA News Online nang makapanayam sa telepono.

“So hindi lang yung matanda ‘yung inaalagaan niya kundi pati ‘yung anak, pati ‘yung mga anak ng anak. So pati extended family, she started working and caring for them,” dagdag niya.

Mayo 2018 nang magsagawa ng operasyon ang FBI, at kaugnayan ang Pilipino Workers Center (PWC), upang sagipin si Fedelina sa kaniyang mga amo.

Dahil hindi pa batid kung nasaan ang pamilya ni Nanay Fedelina at wala dokumentasyon ang pananatili niya sa US, kinalinga muna siya sa home care facility sa Los Angeles.

“When PWC identified a home care facility for her, the owners of that health care facility was informed about Fedelina's ordeal.  They offered to give her free board and lodging for as long as she lives,” ayon kay Cruz.

Lumilitaw na 16-anyos lang si Nanay Fedelina nang umalis siya sa Leyte para mamasukang kasambahay sa Maynila, hanggang sa dalhin naman siya sa US.

Wala siyang maaalang kamag-anak, maliban sa isang nagngangalang "Luz Lugasan," na kaniya umanong pamangkin.

Pero patuloy umanong nakikipag-ugnayan ang Consul General sa mga lokal na pamahalaan para hanapin ang mga kamag-anak ni Fedelina sa Pilipinas.

Sa kabila nang kaniyang sinapit, walang plano si Nanay Fedelina na ipakulong ang kaniyang amo, at mga kaanak nito.

Naghain naman ng guilty plea ang kaniyang amo sa kasong forced labor, sabi ni Cruz.

“It’s poetic justice,” sabi ni Cruz.

“The judge wanted to put the old employer behind bars but the old employer is just two years younger than her, Nanay Fedelina requested otherwise, that she would not be jailed,” patuloy niya.

Makatatanggap si Nanay Fedelina ng $101,000 bilang kompensasyon. --FRJ, GMA News