Mayroon nang overseas Filipino worker sa Hong Kong na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 o COVID-19.  Inanunsiyo ito kung kailan pinayagan nang bumiyahe papunta sa Hong Kong ang mga stranded OFW at mga Pinoy na residente sa lugar na inabutan ng travel ban sa Pilipinas.

Kinumpirma ng Philippine Consulate General nitong Martes na isang Pinay na nagtatrabaho sa Hong Kong ang nagpositibo sa naturang virus.

Nagpadala na umano ng team ang konsulada sa ospital para alamin ang kalagayan ng Pinay.

 “Rest assured that the Philippine government will render all necessary assistance to the Filipino national,” ayon sa Consul General.

Mayroon 61 na confirmed cases ng COVID-19 sa Hong Kong at isa rito ang pumanaw, ayon sa South China Morning Post.

Nito ring Martes, inihayag ng Department of Foreign Affairs na maaari nang bumiyahe papunta sa Hong Kong at Macau ang mga OFW at mga Pinoy na residente na sa dalawang nabanggit na lugar. —FRJ, GMA News