Problemado ang maraming OFW sa Macau na gustong umuwi ng Pilipinas dahil wala pa ring available na direct flights mula roon kahit inalis na ang travel ban.

Ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, kailangan pang bumiyahe pa-Hong Kong ang mga OFW para makakuha ng flight pauwi.

Ayon sa mga OFW, doble gastos ito para sa kanila lalo na para sa ilan na tapos na ang kontrata sa trabaho o 'di kaya ay paso na ang visa.

Lumalabas kasing turista sila at kailangang magbayad ng katumbas ng mahigit P3,000 kada araw para sa kanilang pamamalagi roon.

Napabilang ang Macau sa listahan ng travel ban kasunod ng pagkalat ng novel coronavirus disease 2019 (COVID-19). —KBK, GMA News