Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque nitong Huwebes na umabot na sa 85 ang mga Filipino na nasa ibang bansa na nagpositibo sa 2019 coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Duque,  80 sa nabanggit na bilang ay mula sa Diamond Princess cruise ship sa Japan, habang dalawa naman sa United Arab Emirates, isa sa Singapore, at dalawa sa Hong Kong.

Pinakabago sa listahan ang isang 29-anyos na kasambahay na Pinay sa Hong Kong.

Napag-alaman na unang nagkaroon ng virus ang amo ng Pinay.

Sinabi ni Duque sa GMA News Online na ang naturang listahan ay batay sa ulat ng International Health Regulations (IHR).

Hanggang nitong Huwebes, nasa 64 katao ang minomonitor ng DOH sa bansa dahil nakitaan sila ng sintomas ng naturang virus. — FRJ, GMA News