Mahigit 200 OFWs ang stranded sa Clark International Airport matapos abutan sila ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa Luzon.

Ayon sa ulat ng News TV Live nitong Miyerkules, sinabing dumating nitong Linggo ang mga pasahero mula sa iba't ibang bansa tulad ng Singapore, Spain, Australia, at Barcelona.

Nalipat umano ang kanilang biyahe sa Clark mula sa Ninoy Aquino International Airport sa Maynila na unang isinailalim sa community quarantine.

Hindi umano makaalis ng Clark ang mga pasahero dahil walang domestic flights patungo sa mga lalawigan.

Ang ibang OFWs, napilitan na umanong matulog sa sahig ng paliparan.

Gumagawa naman umano ng paraan ang pamunuan ng paliparan para matulungan na mga na-stranded na pasahero.

Bunga ng enhanced community quarantine, kanselado ang biyahe ng lahat ng domestic land, air, sea travel sa Metro Manila.-- FRJ, GMA News