Hindi na rin muna papapasukin ng Pilipinas ang mga bumibiyahe mula sa Malaysia at Thailand dahil sa mas nakahahawang Delta variant ng coronavirus.

"The President [Rodrigo Duterte] decided to include Malaysia and Thailand among countries where there is a travel ban [on inbound travelers]. This includes those who have trave history in these countries for the last 14 days," ayon kay presidential spokesperson Harry Roque nitong Biyernes.

"This will be effective from July 25 until July 31," dagdag ni Roque.

Pero hindi kasama sa travel ban ang mga overseas Filipino worker na sakay ng mga repatriation flight.

Nitong nakaraang July 16, nagpatupad din ng travel ban ang Pilipinas sa Indonesia dahil sa pagdami ng COVID-19 cases na pinaniniwalaang sanhi ng Delta variant.

Mayroong din travel ban ang Pilipinas sa mga bansang India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates at Oman, na tatagal din hanggang July 31, at puwede pang mapalawig kung hindi huhupa ang banta ng Delta variant.

Nitong Huwebes ng gabi, idineklara ng Department of Health na mayroon nang local transmission ng Delta variant sa Pilipinas.

Sa datong nitong Huwebes ng DOH, 12 kaso ang nadagdag sa Delta variant, para sa kabuuang bilang na 47, at walo ang aktibo.— FRJ, GMA News