Ilang papaalis na overseas Filipino workers ang nagrereklamo na naaantala ang kanilang pagbiyahe dahil sa hindi pa nila nakukuha ang kanilang pasaporte sa Department of Foreign Affairs.

Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing ilang OFW ang nagtungo sa DFA office sa Aseana para kunin na sana ang kanilang passport na ilang buwan na umanong atrasado ang pagbigay sa kanila.

"Sinasabi nila na ang OFW ay bayani ng Pilipinas eh kung pahirapan nila kami. Every week bumabalik ako dito para lang dito sa passport na 'to dahil 'yong mga binibigay po nilang mga website, number, hindi naman po natatawagan," reklamo ni Ma. Lenny Garcia.

Mayroong nagbayad ng P950 hanggang P1200 bilang courier fee upang ipadala sa kanila ang kanilang passport pero wala pa rin daw silang nakukuhang abiso mula sa DFA.

Ayon kay Garcia, apektado na ang pagproseso sa kaniyang papeles dahil sa wala siyang bagong passport.

Ganito rin ang problema ni Lucy Oracion, na nangangamba na baka ibang aplikante ang kunin ng kaniyang employer.

"Nagmamadali po si employer na makakuha ng tao. Kung palalampasin ko 'yong opportunity dahil hindi ako makapagpasa ng valid passport, makakahanap po siya ng iba, mawawala na po 'yong chance ko na ako 'yong maha-hire," sabi ni Oracion.

Nauna nang sinabi ng DFA, na posibleng nagkakaroon ng aberya sa pagdeliver ng mga pasaporte dahil sa mali ang naibigay na impormasyon ng aplikante tulad ng address.

"Mayroon lang siguro na apat na porsyente na nagkakaproblema dahil mali ang nailagay na impormasyon sa kanilang pangalan at kanilang birthday... Ginagawa namin ngayon, minamano-mano namin 'tong correction na 'to at nagdagdag na kami ng tao para gumawa nitong mga kailangang gawin sa consular office namin," ayon kay DFA undersecretary Brigido Dulay. --FRJ, GMA News