TEXAS — Beauty and Brain: Ito ang nagpanalo sa 25-taong-gulang na si Averie Daniela Sabalilang Bishop sa Miss Texas 2022 beauty pageant, ang kauna-unahang Filipino-American na nakakuha ng korona.

Anak ng isang Pinay immigrant na si Marevi Sabalilang na taga-Banga, South Cotabato, si Averie, na siya ring kauna-unahang Asian-American na kakatawan sa Texas sa Miss America pageant sa Disyembre.

Nagtapos ng Bachelor’s Degree with Double Major in Political Science and Human Rights, Juris Doctorate Law Degree si Averie, na nagtrabaho sa US House of Representative.

Ayon kay Averie, biktima siya ng pambu-bully at masasakit na salita noong kanyang kabataan dahil sa pagiging Asyano.

"From the way I spoke, the shape of my eyes, my flat nose, my upbringing. The financial circumstances I grew up in and sometimes the way that my mom spoke," aniya.

"A lot of times people are racist or say rude things because they just don’t understand what they don't know."

Itinalaga ni Dallas City Mayor si Averie bilang miyembro Anti-Hate Crime and Discrimination Advisory Council at kasalukuyan din siyang ambassador ng Texas Cares for Children.

Itinatag din nilang mag-ina ang isang foundation para i-angat ang buhay ng kanilang mga kababayan sa South Cotabato sa pamamagitan ng pagtulong sa mga estudyanteng walang kakayahang makapag-aral.

Ipinagmamalaki naman ng Filipino community sa Texas ang pagkapanalo ang tagumpay ni Averie at umaasa silang makukuha nito ang titulong Miss America sa December sa Connecticut. —KBK, GMA News