NEW YORK - Naghain ng guilty plea ang suspek sa pambubugbog sa isang 67-taong gulang na Pinay sa Yonkers, New York noong March 11, 2022.

Pumasok sa plea agreement sa District Attorney’s Office ang 42-taong gulang na suspek na si Tammel Esco.

Si Esco ang lalaking nakunan sa security camera sa isang apartment building na bumugbog sa isang Pinay habang siya ay papasok sa kanyang apartment sa Yonkers.

Umabot sa 125 suntok at pitong tadyak ang natamo ng biktima, at dinuraan pa siya ng suspek bago ito umalis. 

Nagtamo ang biktima ng facial bone fracture, brain bleeding, multiple contusion at galos sa mukha.

Agad namang naaresto ng mga rumespondeng pulis ang suspek.

Kinasuhan ang suspek ng attempted murder at one count of assault sa ilalim ng hate crime na isang violent felony.

Sa isang statement, sinabi ni District Attorney Miriam E. Rocah na nabigyan na ng hustisya ang brutal na pag-atake sa Pinay na biktima.

“Today’s agreement secures justice for the brave victim who endured the shocking attack and its aftermath and for a community impacted by the trauma of this hate-driven violence," aniya.

Itinakda ng korte ang pagbaba ng hatol kay Esco sa Nobyembre kung saan maliban sa labimpito't kalahating taong pagkakakulong ay kuwalipikado rin ito sa limang taon na post-release supervision. —KG, GMA News