Ilang kompanya sa Amerika ang kukuha ng mga Filipino seafarers na aabot sa 75,000 sa susunod na tatlo hanggang apat na taon.

Sa pakikipagpulong ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. nitong Miyerkules (Philippine time) kay John Padget, president and CEO ng Carnival Corp., inihayag ng huli ang tungkol sa plano ng kaniyang grupo na kumuha ng mga Filipino seafarer.

Pinuri ni Padget, kinatawan din ng Carnival Cruise Line, Holland American Airlines at Seaborn, ang mga Pinoy worker dahil sa maayos umanong magtrabaho.

“It doesn’t matter whether it’s the marine, deck, hospitality, restaurant... everything is based on the happiness, the smile, and the greatness of the Filipino employees,” ayon kay Padget.

Pinasalamatan naman ni Marcos ang mga American employers sa patuloy na pagtitiwala sa mga manggagawang Pinoy.

“When you say that the --- the ladies and gentlemen that we have here today represent 200,000, you do not represent 200,000 employees, you represent 200,000 families and you represent 200,000 communities in the Philippines,” ani Marcos.

Ayon sa Presidential Communications Office, may mahigit apat na milyong Filipino immigrants Amerika--temporary at permanent-- na kumakatawan sa ika-apat na largest immigrant group matapos ang Mexicans, Indians at Chinese.

Nasa Amerika si Marcos para sa isang linggong official visit, kabilang ang pakikipagpulong kay US Pres. Joe Biden. —FRJ, GMA Integrated News