Wala pa ring malinaw na impormasyon kung nasaan ang 38-anyos na domestic helper sa Saudi Arabia na si Divina Yap, na anim na buwan nang hindi nakakausap ng kaniyang mga kaanak sa Pilipinas. Pero ang hinala, posibleng tumakas siya mula sa amo na nagbanta sa kaniyang buhay.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Biyernes, inihayag ni Cristina Suarez, kapatid ni Divina, na nakatanggap sila ng mga mensahe mula sa mga Pinoy sa KSA matapos na maibalita ang ginagawa nilang paghahanap.

Noong nakaraang linggo, ibinalita na huling nagpadala ng mensahe si Divina sa kaniyang mga kaanak noong Nobyembre 2023 para humingi ng tulong dahil pinagbabantaan siya ng kaniyang among babae na nagseselos sa kaniya.

Nagtatrabahong domestic helper sa Dammam si Divina.

Ayon kay Cristina, nagpahayag ang ilang OFW sa KSA na tutulong din sa paghahanap kay Divina, at ipo-post ang impormasyon sa social media.

"Sana po malaki ang maitulong nila sa akin [ sa paghahanap]," ani Divina.

Nakausap din umano nila ang agency ni Divina nang magpunta sila sa tanggapan ng Department of Migrant Workers.

Tiniyak umano ng ahensiya na hindi pinababayaan ang kaso ng kaniyang kapatid.

"Huwag daw kaming mag-alala na makikita din namin ang aming kapatid," sabi ni Cristina, na hindi nawawalan ng pag-asa na makikita pa rin nila si Divina nang buhay.

"Iniisip ko na sana na pinagbili lang siya ng amo niya, kinulong lang. 'Yun po ang iniisip ko lang lagi, na buhay pa siya na makakauwi pa siya sa amin nang buo, nang buhay," patuloy niya.

Sa ipinadalang mensahe ng agency ni Divina, sinabi nito na nakikipag-ugnayan sila sa pamilya ni Divina, sa DMW, at sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at maging sa Foreign Recruitment Agency (FRA).

Nagsumite na rin daw sila ng ulat sa Philippine Overseas Labor Office (POLO), at naka-post na sa migrant worker Riyadh page.

Ayon sa OWWA, wala silang direktang komunikasyon sa mga amo ni Divina pero sa huling impormasyon sa kanila ng FRA, posible umanong tumakas mula sa amo si Divina.

Gayunman, sinabi ng Franz Lanuza, OIC, OWWA-CALABARZON, hindi pa rin ito kumpirmado at wala pa ring katiyakan kung nasaan siya.--FRJ, GMA Integrated News