Natimbog ang hindi bababa sa 16 na drug suspects sa magkakahiwalay na operasyong ikinasa ng mga awtoridad sa mga probinsya ng Rizal, Oriental Mindoro, at Cavite.

Kabilang sa mga naaresto ang ilang operator umano ng mga drug den sa Imburnal Compound sa Barangay Mayamot, Antipolo City, ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa "Balitanghali Weekend" nitong araw ng Linggo.

Bibit ang search warrants, tinumbok ng mga awtoridad ang mag-live-in partners na sina Judith Barcelisa at alyas Joven, Dan Michael alyas Isok, at sina Dolores Quirido alyas Nanay Dory at isang alyas Eden.

Pahayag ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), doon na raw sa kani-kanilang mga bahay na ginawang drug den mismong ipinapagamit ng mga suspek ang ibinebentang droga sa kanilang mga parokyano.

Itinanggi ng mga suspek ang paratang, subalit sa paghahalughog ng raiding team ng PDEA, aabot sa P120,000 na halaga ng droga at drug paraphernalia ang nakuha sa bahay ni Barcelisa.

Ganoon din karami ang nakuha sa isang coin purse sa loob ng bahay ni Quirido. Hindi rin bababa sa dalawang malalaking sachet ng hinihinalang shabu ang narekober sa bahay ni alyas Isok.

Oriental Mindoro

Mahaharap sila sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Samantala, dalawang estudyante naman ang nasakote sa isang buy-bust operation sa Victoria, Oriental Mindoro.

Nahulihan ng dalawang sachets ng hinihinalang shabu na isinilid sa kahon ng posporo ang mga suspek na sina Karl Arlyeth Bunag, 20-anyos, at Efren June Dulay, 18-anyos.

Pareho silang estudyante ng Mindoro State College of Agriculture and Technology.

Bukod sa iligal na droga, nakuha rin sa kanila ang P500 marked money, isang baril, at dalawang nakaw na motorsiklo.

Bacoor City

Sa ulat naman ni John Consulta, arestado ang anim na mga graduating college student at call center agent na sangkot umano sa isang "drug swapping modus" sa Bacoor City.

P71,000 na halaga ng high-grade marijuana (kush) at P32,000 na halaga ng cocaine ang nakumpiska sa mga suspek matapos harangin at pababain ng mga awtoridad ang mga suspek sa kanilang sasakyan.

Ayon sa Bacoor Police, ipinagpapalit daw ng mga suspek ang kanilang high-grade Marijuana para maging Cocaine.

"Ito pong high-grade marijuana o kush ay hindi po ito tumutubo dito sa Pilipinas. Ito ay 100 times ang tama nito. Pinili pa nilang mag-swap, cocaine naman ang ginagamit nila," paliwanag ni Superintendent Vic Cabatingan, hepe ng Bacoor Police.

Iniuugnay ng mga awtoridad ang naturang grupo sa impormasyong natanggap na impormasyon tungkol sa unti-unting pagkalat ng kush at cocaine sa mga kabataan sa isang exclusive subdivision at bar sa lungsod.

"Ito na 'yung tamang panahon na dapat mag-link up talaga ang PNP at saka 'yung school authorities, parang party drug na rin kasi nila ito eh," dagdag ni Cabatingan. —Dona Magsino/LBG, GMA news