Patay sa engkuwentro laban sa mga pulis ang isang drug suspek sa Bulacan nang manglaban umano ito madaling-araw nitong Miyerkoles.
Sa ulat ng "Unang Balita," kinilala ang napatay na suspek na si Ruel Echido, na nakipagbarilan umano sa mga pulis sa Barangay Batia sa bayan ng Bocaue pasado alas-dose ng hatinggabi.
Pahayag ni Superintendent Amado Mendoza Jr, hepe ng Bulacan Police, kasama si Echido sa kanilang "newly-identified" drug personalities sa lugar.
"Malimit kasi nating namo-monitor na itong si Echido ay nagbebenta ng shabu gamit yung tricycle na kaniyang pinapasada," ayon kay Mendoza.
Nasukol si Echido sa isang buy-bust operation, at nang makatunog na pulis ang kaniyang katransaksyon, bumunot agad ito ng baril at nagpaputok sa mga pulis.
Dead on the spot si Echido nang gumanti ang mga awtoridad.
Nakuha mula sa kanya ang isang kalibre .38 na revolver at tatlong sachet ng hinihinalang shabu.
Itinanggi naman ng misis ni Echido ang akusasyon ng mga pulis.
"Nagta-tricycle lang po talaga yan. Wala pong bisyo yan. Hindi po talaga siya nagbebenta ako na po ang nagsasabi," pahayag ng asawa ni Echido.
Ayon sa Bocaue Police, pangalawa na si Echido sa napapatay na drug suspect sa engkwentro nitong Oktubre.
Isa umano ang Barangay Batia sa sinasabing "seriously affected" na barangay sa bayan ng Bocaue, at ngayon ay tinututukan ng mga pulis. —LBG, GMA News