Namatay sa hindi pa maipapaliwanag na dahilan ang isang 28-anyos na inmate sa Udaneta, Pangasinan.

Sa ulat ni John Consulta sa "Balitangahali," sinabing inaresto noong nakaraang Huwebes si Joseph Jimenez dahil umano sa pagkasangkot sa iligal na droga.

Masigla umano ang pangangatawan ng 28-anyos na predicab driver nung ipasok sa kulungan.

Pero ayon sa mga nakasama niyang inmate, nakita na lamang nilang walang malay si Jimenez mag-aala-siete ng umaga noong Martes.

"Malakas ang hilik niya. Tapos yung huling hilik niya na malakas 'di namin pinansin tapos nagdabog tapos kinaumagahan, wala na," salaysay ng mga kasamang inmate kay Superintendent John Guiagui, hepe ng Urdaneta City Police Station.

"Malakas daw 'yung hilik niya talaga. So, pinagising siya. Pinatagilid, kaso nung kinaumagahan na nung mag-ano yung jailer ko, hindi na nagising," pahayag ni Guiagui.

Agad na dinala sa Urdaneta District Hospital (UDH) si Jimenez. Ngunit ideneklara siyang dead on arrival.

Hindi naman umano nakitaan ng anumang sugat sa katawan ang inmate.

"Yung pasyente po considered dead on arrival wala nang vital signs, meaning wala nang BP, hindi na siya humihinga, wala na ring heartbeat o pitik ng puso," pahayag ni Doctor Cristina Fajardo, Medical Officer III ng UDH.

Pahayag ni Honey Lambino, kinakasama ni Jimenez, wala namang anumang sakit ang kaniyang partner.

"Pumunta yung mga pulis dito. Sabi nila yung asawa mo nanigas. Nandun sa emergency. Nung pumunta kami roon hinanap ko, nandoon na sa morgue," ayon kay Lambino.

Dagdag niya, "Kahit ako naman hindi makapaniwala kung bakit namatay ang asawa ko. Pati ako naguguluhan. Iniisip ko kung bakit siya namatay."

"Sisiguraduhin ko sa pamilya ni JImenez na there's nothing to hide here. There's no white wash here. We all want the truth para mawala po yung agam-agam nila," pahayag ni Supt. Guiagui.

Isasailalim sa autopsy ang bangkay ni Jimenez upang malaman ang sanhi ng kaniyang pagkamatay. —LBG, GMA News