Kalunos-lunos ang sinapit ang ilang aso na nadiskubre sa isang AUV sa San Leonardo, Nueva Ecija na patungong Baguio City. Ilan sa mga aso ay sunog na, habang nakagapos ng alambre at hirap na hirap ang mga buhay pa na nakalagay sa sako.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing 15 na aso ang buhay na nasagip, habang aabot sa 19 ang nakitang sinunog na at kinatay.

Nadakip naman ng mga awtoridad kasama ang mga tauhan ng Animal Kingdom Foundation nitong Linggo ng gabi ang mga sakay ng AUV na sina Julius Ayacayac at Jasper Pitan, na tinangka pang tumakas nang makita ang checkpoint ng mga pulis.

"'Yung alpha [asset] natin tinimbre sa atin 'yung plate number ng sasakyan at saka 'yung kung ano 'yung brand ng sasakyan na ginagamit nila," ayon kay Allan Pekitpekit ng AKF.

Ikinuwento naman Police Chief Inspector Gregorio Bautista, Deputy Chief of Police, San Leonardo, na bumalik at nagtago sa isang car wash shop ang mga suspek nang makita nila ang checkpoint ng mga pulis pero nasakote pa rin sila.

Paliwanag ni Ayacayac, ipinakarga lang daw sa kanila ang mga nakitang aso pero inamin niyang wala silang kaukulang papelas.

Nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Animal Welfare Act.

Dadalhin sa pasilidad ng AFT ang mga nasagip na aso habang ililibing naman ang mga patay na.

Panawagan naman ni Pekitpekit, itigil na ang pagkatay sa sa mga aso dahil hindi pagkain ang mga ito kung hindi pang "man's bestfriend." -- FRJ, GMA News