Arestado ang apat na drug suspect sa Batangas sa magkakahiwalay na operasyong ikinasa ng pulisya.

Sa ulat ni Saleema Refran para sa Balitanghali ng GMA News TV nitong Miyerkules, timbog sa bayan ng Balayan ang 28-anyos na si Tristan Jay Bautista matapos magbenta umano ng limang gramo ng shabu sa isang buy-bust operation.

Hinuli rin sa bayan ng San Jose ang 53-anyos na si Abner Kalalo matapos mabilhan ng isang pakete ng hinihinalang shabu. Bukod dito, dalawang pakete pa ng iligal na droga ang umano'y nakuha sa kaniya.

Isang 27-anyos na pahinante naman ng truck ang arestado sa bayan ng Mabini dahil sangkot din umano sa droga. Nakuha sa suspek na si Ver Apagta ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu at marked money.

Bumagsak rin sa kamay ng mga awtoridad ang 36-anyos na si Aldrin Cesar sa bayan ng Santa Teresita.

Tatlong pakete ng pinaghihinalaang shabu ang nakuha sa kaniya kasama ang marked money. — Dona Magsino/RSJ, GMA News