Patay ang dalawang drug suspects (ang isa sa kanila nagpakilalang pulis) nang manlaban umano sa mga awtoridad sa buy-bust operation noong Miyerkoles ng gabi sa  Antipolo City.

Kinilala lamang ang napatay na nagpakilalang pulis sa alyas na "Julius" nang makipagtrasaksyon sa totoong pulis na nagpapanggap na buyer.

Ang isa pang suspek na napatay ay kinilalang si Rolando Tajan na siyang may-ari ng bahay na ginawa umanong lungga ng dalawa sa kanilang iligal na na negosyo.

Nang magkaabutan ng droga at sa aktong arestuhin na si Julius, nanlaban umano ito, at pati na rin si Rolando. Napatay ang dalawa.

Ayon sa ulat ni Bam Alegre sa “Unang Balita”, sa ganda umano ng bihis ng bahay ni Rolando, hindi akalaing ginagamit itong drug den. Palagi umano nakasara ang gate nito ang sa loob maraming itinatago na lihim.

Na-rescue naman ng mga awtoridad ang tatlong babaeng na naaktuhan umanong bumabatak.

Ineengganyo raw ng mga suspek ang mga babae na mag-shabu hanggang sa malulong at saka pagsasamantalahan nila.

“Yung alyas Julius, bumibili sa Maharlika Village rekta item pagdating dito dini-distribute.  Eto ang cohort, ang may-ari ng bahay bago ma-distribute sa iba kapag may item. Mga 10 p.m. hanggang 4 a.m. nagdadatingan ang mga babae na menor de edad na pinagsasamantalahan pagamitin, gamitin, hanggang nalulong mga bata,” pahayag ni Superintendent Villamor Bannawagan ng Antipolo Police.

Ikinulong umano ng isang linggo at ginagawang sex slave ang mga biktima. Pahayag ng isang biktima, "Sabi ni julius walang aalis lagi nilalock ang gate. Ako po lagi ako tuwing uuwi lagi ako ginagamit, (kapwa si Julius at Rolando)."

Nabuking ang drug den dahil sa nagsumbong ang isa pang teenager na nabiktima ng mga suspek.

Ang modus daw ni Rolando ay sasabihing na-stroke siya at kailangan ng helper sa bahay. Kung hindi papayag na makipag-sex ang biktima, pinapaalis bilang katulong.

“Nakakalanghap ako ng drugs. Nagda-drugs talaga sila," pahayag ng isang biktima.

Dadalhin ang mga nasagip na babae sa women's desk ng Antipolo Police. —LBG, GMA News