Nabisto ng mga operatiba ng drug enforcement unit ng Cavite Police na pati ang Bibliya ay ginagamit na rin ng mga tulak sa pagbebenta ng droga.

Sa isang raid sa pinaghihinalaang pugad ng pushers sa Molino III sa Imus City sa Cavite, nasukol ng mga pulis ang walong drug suspects, kabilang na ang prime suspect na si Arnel Escovar.

Nasamsam ng mga awtoridad sa ginawang raid ang P140,000; droga at drug paraphernalia; at ang isang Bibliya na may malaking uka sa gitna ng mga pahina nito.

Sa ulat ni John Consulta sa "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabi ng isang operatiba na ang malaking uka sa gitna ng Bibliya ay pinagtataguan ng droga na ibinebenta ng mga suspek, upang isipin ng mga tao na nagba-bible study lamang o 'di kaya'y magsisimba ang mayhawak nito.

Sasampahan na kaukulang kaso ang mga naaresto, ayon sa mga pulis. —LBG, GMA News