Patay ang apat na preso at sugatan naman ang tatlong pulis nang magkagulo sa isinagawang inspeksyon kontra droga o "Operation Greyhound" sa loob ng Davao City Jail nitong Sabado ng umaga.

Sa ulat ni Anel Cortez ng RGMA-Davao sa Super Radyo dzBB, sinabing nanlaban ang apat na inmate dahilan upang barilin sila ng mga awtoridad.

Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang mga pangalan—kapwa ng apat na napatay na inmates at ng tatlong mga pulis na sugatan sa insidente.

Sa inisyal na impormasyon galing sa Davao City Police Office, sinabing palalabasin na sana ng selda ang mga inmate upang isagawa ang inspeksyon, nang bigla na lamang umanong barilin ng isang inmate ang isang pulis gamit ang isang sumpak.

Nanlaban din umano ang tatlong iba pang inmate, dahilan upang barilin sila ng mga awtoridad.

Narekober mula sa selda ang isang bulto ng droga na nagkakahalaga ng P160,000, ayon sa ulat.

Hindi pa nagpalabas ang Bureau of Jail Management and Penology-Davao ng listahan ng mga pangalan ng napatay na mga inmate. —LBG, GMA News