Patay ang tatlong lalaking suspek sa pagtutulak umano ng droga sa Laguindingan, Misamis Oriental matapos umanong manlaban sa mga pulis.

Ayon sa ulat ni Clyde Macascas ng RTV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Miyerkules, sinabi ng mga awtoridad na isisilbi nila ang search warrant sa primary target na si Dodong Pindulangan pero pinaputukan daw nito ang mga pulis.

Dalawang kasama pa umano ni Pindulangan ang nanlaban din na sina Runkle John Lago at Carlo Dagondon. Nang matapos ang putukan, napatay sa operasyon ang tatlong suspek.

Hinala ng mga awtoridad, ipinagpapalit ng mga suspek ang iligal na droga para makapagpundar sila ng mga armas. Ilang pakete rin ng hinihinalang shabu ang nakuha sa kanila.

Ayon sa pulisya, dati na ring nasangkot sa panghoholdap si Pindulangan.-- Dona Magsino/FRJ, GMA News