Isang sunog na bangkay ng lalaki na pinosasan ang nakita sa isang palayan sa Siniloan, Laguna. Sa isang bundok naman sa Bulacan, bangkay ng isang lola ang nakita.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabi ng pulisya na nakatanggap sila ng tawag kaninang umaga tungkol sa bangkay na natagpuan sa Barangay Wawa.

Nang magsagawa ng pagsusuri ang mga awtoridad, sinabing halos hindi na makilala ang biktima dahil sa tindi ng pagkakasunog sa biktima.

Nadiskubre rin na pinosasan ito at posibleng sinaksak.

Patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng biktima at kung sino ang mga nasa likod ng pagpatay.

Samantala, naaagnas nang matagpuan ang bangkay ng 74-anyos na si Cerelina Lipaopao sa bulubunduking bahagi ng Donya Remedios Trinidad sa Bulacan nitong Martes.

Base sa imbestigasyon, hinihinalang hinoldap at pinatay ang biktima at saka iniwan sa bulubunduking bahagi ng Barangay Sibul.

Ayon sa mga kaanak ng biktima, may dala umanong pera ang biktima mula sa napagbentahang baboy at kambing.

May nakita umanong malaking bato sa lugar kung saan nakita ang bangkay ng biktima at may bahid ng dugo. Posible umanong pinukpok ng malaking bato sa dibdib at ulo ng biktima na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Sabi ng mga awtoridad, maaaring dalawang araw na raw na patay ang biktima bago natagpuan.-- FRJ, GMA News