Nalunod ang isang lalaki sa lalawigan ng Oriental Mindoro matapos tumalon sa tubig habang nagpi-picnic ang kaniyang pamilya.

Sa ulat ng Super Radyo dzBB nitong Linggo ng umaga, kinilala ang biktima na si Ramil dela Cerna, 42, residente ng bayan ng Pinamalayan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, tumalon sa tubig si Dela Cerna matapos ang picnic ng kanilang pamilya.

Maya-maya pa, nagsisigaw na umano ang biktima at humingi ng tulong dahil sa pinulikat ang kaniyang paa.

Sinubukan pa umanong isalba ng kaniyang anak gamit ang isang bangka, pero tuluyan nang tinangay ng agos ng tubig ang kanyang ama.

Matapos ang ilang minutong search and rescue operation narekober ang katawan ni Dela Cerna.

Dinala siya sa pagamutan ngunit ideneklara itong dead on arrival. —LBG, GMA News