Hinangaan ng netizens ang katapatang ipinakita ng isang binata sa Guimaras matapos niyang isauli sa may-ari ang mamahaling gadgets na natagpuan niyang palutang-lutang sa dagat.

Ayon sa ulat sa GMA "24 Oras Weekend" nitong Linggo, tuwang-tuwang ipinagmalaki ng netizen na si Giff Atienza na naibalik pa sa kaniya ng 20-anyos na si Nichol Tagudin ang water-proof case na naglalaman ng mamahaling smartphone at iba pang gadgets ng kaniyang anak.

Kwento ni Atienza, nakasakay raw sila ng anak niya sa jetski nang malaglag ang naturang lalagyan sa Guimaras Strait.

Lumipas pa ang anim na araw bago ito natagpuan ni Tagudin na palutang-lutang sa tubig.

Mamahalin man ang mga laman, hindi nagdalawang-isip ang binata na makipag-ugnayan sa tunay na may-ari ng mga gadget.

Dahil sa kabutihang-loob niya, binigyan siya ng P11,000 pabuya ni Atienza.

Nagpasalamat din ang may-ari sa magulang ng binata dahil nakapagpalaki sila ng isang tapat na anak. —Dona Magsino/LBG, GMA News