Patay ang apat na mag-iina sa pamamaril at pananaksak sa loob mismo ng kanilang bahay sa Barangay Marilog, Davao City.

Ayon sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News TV "Balitanghali Weekend" nitong Linggo, paghihiganti ang nakikitang motibo sa pagpatay kina Liza Ponce at sa mga anak niyang sina Christine, Anna, at Reniel. Limang taong gulang ang pinakabata sa mga biktima.

Sa tulong ng mga saksi, natukoy at natunton ng mga pulis ang suspek na si Rey Alba.

Napatay si Alba nang manlaban umano sa ikinasang followup operation ng mga pulis.

Batay sa imbestigasyon, posibleng paghihiganti ang ugat ng krimen dahil nasampahan si Alba ng kasong panggagahasa noong nakaraang taon sa isang kaanak ng mga napatay na biktima. —Dona Magsino/LBG, GMA News