Patay ang isang habal-habal driver nang barilin ng isang traffic enforcer, na napatay din ng mga pulis nang manlaban habang siya'y sinisita sa kanyang pagbaril sa driver.

Nangyari ang insidente dakong alas-dies ng umaga nitong Biyernes sa Barangay Basac, Lapu-Lapu City sa lalawigan ng Cebu.

Sa ulat ni Greg Magdadaro sa  Super Radyo dzBB, kinilala ang habal-habal driver na si Junie Soriano at ang traffic enforcer na si Rolando Carcilles.

Ayon kay Police Corporal Jacinto Sagarino ng Lapu-Lapu City Police, binaril ni Carcilles ang sinita niyang driver na si Soriano, na agad na ikinamatay ng biktima.

Umalis si Carcilles sa crime scene at nasundan siya ng mga rumespondeng police. Nang sitahin ng mga awtoridad, nagmamatigas umano ito at nakipagbarilan.

Napatay si Carcilles ng mga pulis na napilitang barilin ang nanlaban umanong traffic enforcer. —LBG, GMA News