Bangkay na nang matagpuan ang isang 26-anyos na babae na nakatali ng electrical cord ang leeg at walang saplot pang-ibaba sa kaniyang apartment sa San Nicolas, Ilocos Norte.



Kinilala ang biktima na si Juvilyn Bardiaga, assistant store manager ng isang grocery store sa lugar, ayon sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Miyerkoles.

Ayon sa imbestigasyon, hindi pumasok si Bardiaga sa trabaho, dahilan para puntahan ng guwardiya ng grocery store ang apartment ni Bardiaga.

Dito na niya nakita ang wala nang buhay na si Bardiaga.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng suspek at kung ano ang kaniyang motibo.

Inaalam din kung nagahasa ang biktima.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News