Nasa 120 Chinese national na nagtatrabaho sa isang coal plant sa Mariveles, Bataan ang nagkaroon umano ng dengue.

Sa ulat ni Mark Makalalad sa Dobol A sa Dobol B nitong Martes, sinabi umano ni Rosanna Buccahan, Bataan provincial health officer, na dumami ang mga trabahador sa planta na tinamaan ng dengue dahil sa kakulangan ng kalinisan sa pasilidad, lalo na lugar kung saan tumutuloy ang mga Chinese worker.

Nasa maayos naman daw na kalagayan ang mga dayuhang manggagawa, ayon pa kay Buccahan.

Noong Mayo, nagkaroon umano ng dengue outbreak sa planta kung saan 96 kaso ang naitala, at 24 na kaso naman ang nangyari noong Hulyo.

Nadagdag umano ang mga nagkasakit na Chinese sa 988 dengue cases na naitala mula Enero hanggang Agosto 15. —FRJ, GMA News