Isang pickup truck na hinihinala ng mga residente na mabilis ang takbo ang nahulog mula sa isang bangin sa Koronadal City at bumagsak sa isang bahay.



Sa ulat ng GMA News TV 'Quick Response Team" nitong Martes, sinabi ng may-ari ng bahay na nakarinig sila ng malakas na kalabog dakong 11:00 pm nitong Lunes.

Nang silipin nila ang dahilan ng kalabog, doon na nila nakita ang sasakyan. Nasira rin nito ang pader na bakod na unang tinamaan ng pickup.

Sugatan ang driver ng sasakyan na dinala sa ospital.

Masuwerte namang walang nasaktan sa mga nakatira sa bahay.

Hinala ng mga residente, mabilis ang takbo ng sasakyan kaya nawalan ito ng kontrol.

Nakikipag-usap na umano ang mga magulang driver at nangakong sasagutin ang pinsalang nangyari sa bahay.

Sa Barlig, Mountain Province, isang SUV naman ang nahulog sa bangin na nagresulta sa pagkakasugat ng isang ginang at kaniyang sanggol na dalawang linggong gulang pa lang.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na na papunta sa Natonin ang pamilya na sakay ng SUV at tumigil sa gilid ng kalsada pero hindi matuloy-tuloy ang sasakyan sa bangin na may lalim na 150 metro.

Hindi nakalabas ng sasakyan ang mag-ina na nasagip kinalaunan nang may mapadaan na isa pang sasakyan sa lugar.

Patuloy na nagpapagaling ang mag-ina habang iniimbestigahan pa ang insidente.--FRJ, GMA News