Patay matapos pagbabarilin sa loob ng kanyang bahay si San Andres, Quezon province vice mayor Sergio Emprese pasado alas-otso Martes ng gabi.

Ang 60-taong-gulang na opisyal ay pinasok ng suspek sa kanyang bahay sa isang subdivision sa Lucena City at pinaputukan.

Ayon sa report ng Philippine National Police ng Quezon, nagtamo ng tama ng bala sa ulo si Emprese.

Naisugod pa ito sa isang pagamutan kung saan siya binawian ng buhay.

 

Iniimbestigahan na ng pulisya ang pagpaslang kay San Andres, Quezon Vice Mayor Sergio Emprese na naganap sa kanyang bahay sa Lucena City nitong Martes, Agosto 20, 2019. Photo courtesy: Lucena City Police Station

 

Nagsilbi bilang mayor sa bayan ng San Andres si Emprese sa loob ng mahigit 20 taon, bago tumakbong vice mayor.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng PNP.

Sinusubukan din ng PNP na makahanap ng CCTV sa lugar upang makakuha ng karagdagang impormasyon.

Samantala, bumuo na ng Task Force Emprese ang Quezon Police Provincial Office upang matukoy ang nasa likod ng pagpatay kay Emprese

Nasa punerarya na ang mga labi ng biktima. —LDF/KG, GMA News