Matagumpay na napaanak ng isang barangay tanod ang isang buntis  sa loob ng sasakyan sa Santa Catalina, Negros Oriental, ayon sa ulat ni Ian Cruz sa Unang Balita ng GMA News nitong Huwebes.

Pahayag ng tanod na si Bonifacio Rebanuel, nagpatulong sa kanya ang asawa ng buntis para ihatid ito sa lying-in center dahil manganganak na ang kaniyang misis.

Sa kalagitnaan ng kanilang biyahe, biglang naubusan ng gasolina ang sasakyan at tumirik.

Tinulungan din daw sila ng mga sundalo sa malapit na detachment area pero hindi na kinaya ng babae ang layo ng paanakan.

"Lumabas ang ulo ng bata. Kaya't inalalayan ko na ring hilutin ang tiyan niya hanggang sa tuluyan nang lumabas ang bata. Agad ding sumunod ang inunan," kwento ng tanod.

Nagkataon din daw na may karanasan na raw sa pagpapaanak si Rebanuel dahil sa tiyahin niyang hilot.

Maayos naman nilang nailabas ang sanggol.

Dinala sa lying-in center ang malusog na baby boy na pinangalanan kasunod sa kanyang ama na si Jimmy. —Joviland Rita/LBG, GMA News