Wala nang buhay at walang saplot nang makita ang isang 23-anyos na babae sa tabi ng irigasyon sa New Washington sa Aklan.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Huwebes, sinabing batay sa imbestigasyon ng pulisya, nakipag-inuman ang biktimang si Jennifer Zaulda sa ilang lalaki at hindi na nakauwi sa kanila.

Hawak na umano ng pulisya ang person of interest,  na ayon sa mga testigo ay huling kasama ng biktima.

Ang ama ng biktima, nananawagan ng hustisya sa sinapit ng kaniyang anak na pinatay nang walang kalaban-laban.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang krimen. --FRJ, GMA News