Nasa 200 miyembro ng Kadamay ang pinaalis sa mga pabahay na iligal nilang inokupa sa Pandi, Bulacan, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Ayon sa natanggap ng sumbong ng pulisya, kahit mga pabahay na wala pang bubong ay inokupa na rin daw ng mga miyembro ng Kadamay.

Nang puntahan sila ng mga awtoridad, maayos silang napakiusapan ng mga pulis.

Kasunod niyan, mahigit 1,000 miyembro ng Kadamay ang tumiwalag sa grupo matapos umano silang hingan ng hanggang P10,000 pambayad sa mga pabahay.

Sabay-sabay nilang sinunog ang kanilang mga Kadamay ID.

Nagsagawa rin sila ng isang peace rally para hikayatin ang mga natitirang miyembro na kumalas na rin sa grupo. —KBK, GMA News