Patay ang isang retiradong pulis matapos barilin ng riding in tandem habang nagwawalis sa tapat ng punerarya sa Mabitac, Laguna.



Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si retired Police Staff Sergeant Victor Recio, na nagtamo ng tama ng bala sa ulo.

Ayon sa pulisya, nagwawalis sa tapat ng punerarya ang biktima nang dumating na riding-in-tandem at malapitan siyang binaril sa ulo.

Pagbagsak ng biktima, muli pa siyang binaril ng salarin bago tumakas.

Inaalam na ng pulisya ang motibo sa pagpatay at susuriin ang mga CCTV footage sa barangay sa pagbabakasakaling makilala ang mga salarin.



Sa Hinigaran, Negros Occidental, binaril at napatay sa tapat ng kaniyang bahay ang tricycle driver na si Joener Tomazar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nag-aayos ng kaniyang tricycle ang biktima nang dumating ang mga salarin na sakay ng motorsiklo at binaril siya sa ulo.

Isang basyo ng bala ng kalibre .45 na baril ang nakuha sa crime scene.

Lumalabas sa paunang imbestigasyon na paghihiganti ang posibleng motibo sa krimen. --FRJ, GMA News