Binigyang-halaga ng isang scrap collector sa Pozorrubio, Pangasinan ang napulot niyang bandila ng Pilipinas sa tambakan ng scrap.

Sa Facebook post ng Pozorrubio Police Sation, sinabing dahil sa respeto ni Niño Malanum na taga-Barangay Imbalbalatong sa bandila, dinala niya ito sa police station.

 

Post on Pozorrubio Police Station Facebook page
Post on Pozorrubio Police Station Facebook page

Pahayag ni Malanum, batay sa Facebook post, namumulot siya ng kalakal sa may highway ng Barangay Alipangpang at nang  isasalin na niya ang kanyang mga napulot, napansin niya na may nakasupot na tela na kanya agad nakilala.

Sa una raw ay pangamba ang dulot nito sa kanya sapagkat natatakot siya baka siya ay kasuhan at mapagbintangan na siya ang nagtapon nito dahil alam niyang sagradong bagay ang kanyang napulot.

Ayaw din niyang iwanan na lamang ito kung saan. Kung kaya't naisip niyang dalhin na lamang ito sa pulis bilang pagrespeto at pagpapahalaga sa napulot na sagradong tela.

Pinuri na man si Malanum ng netizens sa kaniyang ginawa.

"Hindi mo binalewala ang bandilang iyong napulot. Hindi mo tinangkang ito'y iwan sa kung saan o itapon sa basurahan. Isa kang tunay na Pilipino na magsisilbing inspirasyon sa amin," ayon sa mga comment ng netizens. —LBG, GMA News