ODIONGAN, ROMBLON —Patay ang isang 39 anyos na marble worker sa Barangay Ilauran, Romblon, Romblon matapos tagain ng kanyang nakababatang kapatid nitong Martes ng gabi sa gitna ng isang inuman.

Ayon sa police report mula sa Romblon Police Provincial Office, nakikipag-inuman sa kanyang mga kabigan ang biktima na si Fedirico Montojo sa Barangay Ilauran ng bigla umanong dumating sa lugar ang kanyang kapatid na si Fermin Montojo, 34 anyos.

Bigla umanong nagkasagutan ang dalawa hanggang sa magkasigawan. Sandaling umalis sa lugar ang suspek na si Fermin ngunit bumalik ito na may dala ng patalim, maya-maya pa ay bigla nalang nitong tinaga sa leeg ang kanyang kapatid.

Isinugod pa sa Romblon District Hospital ng kanyang mga kainuman si Fedirico ngunit idineklara siyang dead on arrival.

Kusang sumuko naman sa mga kapulisan ang suspek ngunit hindi na nakita ang patalim na ginamit ng suspek.

Nakakulong na ngayon si Fermin at nahaharap sa kaukulang kaso. —LBG, GMA News