Patay ang isang 5-taong-gulang na babae samantalang sugatan naman ang kaniyang kapatid na 11-taong-gulang matapos umanong pagsasaksakin ng kanilang sariling ina sa Rizal, Laguna.

Kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si Ana Loraine Medalla, 30-taong-gulang, residente ng Viriña Subdivision sa Barangay Tuy. Agad siyang naaresto ng mga pulis.

Ang mga biktima ay kinilala namang sina Catherina Caponpon na agad binawian ng buhay dahil sa suffocation at si Keisha Kayle Caponpon na kritikal ang lagay sa pagamutan dahil sa pananaksak ng ina.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. Mahaharap ang suspek sa kasong parricide at frustrated parricide. —Anna Felicia Bajo/KBK, GMA News