Patay sa pamamaril ang assistant election officer ng Commission on Elections (Comelec) sa MacArthur, Leyte nitong Martes ng tanghali.

Nakilala ang biktima na si Maureen Palejero Japson, 42.

Ayon sa MacArthur Municipal Police Station, nangyari ang pamamaril ng 12:30 ng tanghali nitong Martes.

Naka-angkas ang biktima sa motorsiklong minamaneho ng kanyang kaopisina nang biglang may dalawang hindi pa nakikilalang suspek ang humarang sa daanan nila sa isang kalye sa Barangay Pongon.

Parehong naka-helmet ang suspek at nagpanggap na itinutulak ang kanilang dalang motorsiklo.

Bigla na lang daw bumunot ng baril ang isa sa mga suspek at binaril ang biktima.

Nang matumba ang biktima, binaril pa umano ito ng ilang beses ng mga suspek bago tumakbo sakay ng kanilang motorsiklo.

Itinakbo ang biktima sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival na ito.

Nagsagawa na ng follow-up investigation ang MacArthur Police Station sa insidente. —Peewee Bacuño/KG, GMA News