Maliban sa pagiging out-of-school youth, mahilig daw mapag-isa at nakaranas ng pambu-bully at depresyon ang 15-anyos na lalaking suspek sa pagpatay at pananaksak sa pitong- taong-gulang niyang kapitbahay na babae sa San Pedro, Laguna.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Master Sergeant Lisa Ballad ng Women and Children's Protection Desk ng San Pedro Police, na nagtamo ng 28 saksak sa katawan ang biktimang si Eleona Mychie Remoquillo.

Napag-alaman na dalawang buwan pa lang sa lugar ang suspek na ipinanganak sa Batangas at kinuha ng kaniyang kapatid para mag-alaga ng pamangkin.

Bunso umano sa siyam na magkakapatid ang suspek at nahinto sa pag-aaral sa Imus, Cavite matapos umanong makaranas ng pambu-bully na nauwi sa depresyon, batay sa paunang pagsusuri sa kaniya ng City Social Welfare Office ng San Pedro.

Hindi rin umano malapit sa pamilya ang binatilyo at mahilig mapag-isa.

"Unang tinitingnan namin du'n 'yung poverty, ang bata ay neglected, ang bata ay biktima ng bullying at nauwi sa depression," sabi ni Ma. Fatima Autor, CSW officer.

Ilang oras ding pinaghahanap si Remoquillo bago siya natagpuan sa isang bahay 'di kalayuan sa tahanan nila sa Heredia Compound sa Barangay Guyab, dakong 4 p.m. nitong Miyerkoles.

Nagduda ang mga kapitbahay nang makita nilang may pulang tubig na dumadaloy palabas ng bahay ng pamilya Remoquillo, dahil sarado ito ay walang lumalabas na tao.

"Ako diyan lang, mga tatlong hakbang sa pinto tapos 'yung batang lalaki nakita namin may hawak pang kutsilyo. Tapos sabi ko sa kaniya 'Hoy ano ba nangyari sa'yo?' Sabi niya, 'Kuya naghihiwa ako ng talong, nahiwa ang kamay ko,'" sabi ni Rico Heredia, residente sa lugar.

Itinatanggi ng suspek na may kinalaman siya sa krimen at ikinuwento sa mga awtoridad na may lalaking pumasok daw sa bahay.

"Merong taong pumasok du'n na naka-mask at merong tattoo sa kanang bahagi ng kanyang braso, na bitbit ang batang biktima na 7-years-old, na nandun siya sa loob, siya'y sinikmuraan, sinuntok sa tiyan, according to him. At pagkatapos po nu'n nilagyan siya ng parang towel na siya'y naging unconscious," ayon kay Autor batay sa kuwento raw ng suspek.

Pero duda ang mga residente sa kuwento ng suspek dahil wala raw silang nakitang ibang tao sa kanilang lugar at magkakakilala raw ang mga tao doon.

Ang kapatid ng suspek, sinabing hindi nila kakampihan ang binatilyo kapag lumitaw na siya ang nasa likod ng krimen. Pero naninindigan daw ito na hindi siya ang pumatay sa biktima.

Sa ngayon, tanging ang binatilyo ang nakikitang suspek ng mga awtoridad.
"Wala po tayong ibang suspek kundi po 'yung ating minor offender. So hinihintay lang po namin 'yung resulta ng crime lab kung ano po 'yung magiging resulta po lahat doon," sabi ni Ballad.

Dinala na sa bahay Pag-asa sa Calauan, Laguna ang suspek para isailalim sa karagdagang pagsusuri.

Habang hustisya naman sa biktima ang panawagan ng kaniyang mga kaanak.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News