Agaw-pansin ang kasalan ng dalawang dog rescuer sa lalawigan ng Quezon dahil kasama sa kanilang entourage ang 10 sa mga asong iniligtas nila.

Ayon sa ulat sa 24 Oras Weekend ni Athena Imperial, nagsumpaan sina Mariz at June Lacuesta ng “ASPIN Tunay at Tapat” o “Ako Sayo'y Palaging Iibig Nang tunay at tapat” sa kanilang kasal.

Kuwento ni Mariz sa kanilang Facebook page, parang mga anak na raw nila ang kanilang mga rescue dog.

“Oo mga aso lang sila sa paningin ng iba pero sa amin, pamilya namin sila, kaya dapat kasama sila. Oo aso sila pero marami kaming natututunan sa kanila, isa na dyan ang meaning ng 'True Love and Loyalty’,” aniya.

Nauna nang nag-viral sina Mariz at June sa social media dahil sa kanilang pre-nup shoot kung saan bumida rin ang ilan sa kanilang mga rescue dog.

Ayon kay Mariz, meron daw silang 19 na rescued at adopted na aspin o asong pinoy. —Julia Mari Ornedo/LBG, GMA News