Napatay na sa isang engkuwentro ang pulis na bumaril sa kanyang hepe sa Bunawan, Agusan del Sur.

Iniulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB na ang napatay na suspek ay kinilalang si Patrolman Jhon Paul Gerida, 28-anyos, na miyembro ng Agusan del Sur 2nd Police Mobile Force Company.

Namatay ang suspek matapos ang isang engkuwentro sa Purok 5, Barangay Consuelo dakong 10:35 ng umaga nitong Linggo, ayon kay Caraga PNP chief Police Brigadier General Joselito Esquivel.

Nagsasagawa raw ng isang hot pursuit operation noon ang Bunawan Municipal Police Station, Police Mobile Force Company, at Agusan del Sur Provincial Intelligence Branch nang biglang paputukan ni Gerida ang kanyang mga kabaro.

Dahil dito, napilitan ang mga operatiba na paputukan din ang suspek na nagresulta sa kanyang kamatayan.

Narekober mula kay Gerida ang isang kalibre .45 na baril.

Noong nakaraang Biyernes ng gabi, binaril ni Gerida ang kanyang hepe na si Police Lieutenant Colonel Rex Lomente matapos siyang ipatawag sa opisina ng force commander ukol sa isang disciplinary issue.

Nagkaroon daw ng pagtatalo ang dalawa kaya nagpaputok si Gerida.

Ayon kay Esquivel, kasalukuyang inoobserbahan sa ICU ng Davao Hospital si Lomente matapos itong magtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan. —Julia Mari Ornedo/LBG, GMA News