Isang 18-anyos na estudyante ang ginahasa umano ng kaniyang kainuman sa Pagadian City, Zamboanga del Sur. Ang video ng panghahalay, ipinadala pa raw ng salarin sa biktima.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkoles, sinabi ng kapatid ng biktima na umuwing umiiyak nitong Lunes ang dalaga.

Pero nalaman lang niya ang nangyari sa kapatid nang makita niya sa cellphone ang pag-uusap ng salarin at dalaga.

May video pa raw ng panggagahasa na ipinadala ng salarin sa biktima pero binura ng dalaga dahil sa takot.

Sa ginawang imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na dinala ng salarin sa damuhan ang ginahasa ang biktima nang malasing.

Hindi pa raw alam ng mga magulang ng biktima ang nangyari sa anak dahil wala ang mga ito sa Pagadian.

May person of interest na ang pulisya sa kaso. --FRJ, GMA News