Dalawang batang babae ang nalunod sa lawa nang habulin sila ng aso sa Los Baños, Laguna, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes.

Kapwa wala nang buhay nang matagpuan ang 11-taong gulang na si  Haica Mae Española at 9-taong gulang na si Jhana Belae.

Ayon sa kanilang mga kasama, sa mababaw na bahagi ng lawa lang sila dapat maliligo, pero napatalon ang dalawa sa malalim  na bahagi dahil hinabol sila ng aso.

Nakatakdang magpulong ang mga lokal na opisyal para pagbawalan na ang paliligo sa lawa na umaabot sa 70 feet o higit pa ang lalim. —KBK, GMA News