Pinag-iingat ng pulisya ang mga rider sa Cavite laban sa isang grupong nagpapanggap daw na pulis para makapang-agaw ng motor, ayon sa eksklusibong ulat ni Emil Sumangil sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Bagama't natunton ng mga pulis ang safehouse ng mga salarin, tanging mga nakaw na motor at ilang ID at dokumento lang ang naabutan nila dito at hindi ang mga suspek.
Ayon sa ulat, modus ng mga suspek na magpanggap na pulis para pahintuin ang kanilang mga target. Haharangin daw nila ang mga biktima at pagkatapos ay hihingan ng OR-CR.
Halos magkakasunod daw na nakapagtala ng insidente ng agaw-motor sa Bacoor at karatig pang bayan sa Cavite ng mga suspek na ganito ang istilo nitong mga nakaraang araw.
Paalala ng pulisya, laging naka-uniporme ang mga pulis tuwing may legitimate na operasyon.
Patuloy ang operasyon ng pulisya laban sa mga suspek. —KBK, GMA News