PAGADIAN CITY - Matagumpay na isinagawa ang fluvial procession ng imahe ng Sr. Santo Niño sa Pagadian City nitong Sabado.

Ito’y sinimulan sa pamamagitan ng concelebrated Mass nitong Sabado ng madaling araw na ginanap sa wharf ng lungsod. Sinundan ito ng engrandeng fireworks display.

Aabot sa isang daang makukulay na sasakyang pandagat ang nakilahok sa fluvial procession. May mga pump boat, fishing boat at animo'y galleon kung saan sakay dito ang mga imahe ng batang Hesus.

 

Nakilahok sa fluvial procession para sa Sto Niño nitong Sabado, ika-18 ng Enero, 2020, sa Pagadian City Wharf ang aabot sa 100 na sasakyang pandagat. Aude Hampong

 

Pagkatapos ng fluvial procession, isa-isang sinabuyan ng pari ng banal na tubig ang mga sasakyang pandagat sa kagustuhan na rin ng mga may-ari nito na mapabendisyonan ang kanilang mga sasakyan.

Sa dami ng dumalo, halos hindi mahulugan ng karayom ang wharf area masilayan lamang ang fluvial procession.

Marami sa mga deboto ay sumayaw at napaindak habang iwinawagayway ang imahe ni Sr. Santo Niño.

 

Ayon sa Philippine Coast Guard, 25,000 na tao ang nakilahok sa fluvial procession sa Pagadian City Wharf nitong Sabado, ika-18 ng Enero, 2020. Aude Hampong

 

Mapabata man o matanda, taimtim ang paniniwala sa biyayang dala ng batang Hesus sa kanilang buhay.

Isa sa mga debotong nakilahok ay si Elvie Egam na isang guro sa Pagadian City.

Ayon kay Egam, bukod sa maayos na kalusugan at pamumuhay na kanilang tinatamasa, naging daan din umano ang batang Hesus upang siya'y makapasa sa Licensure Exam for Teachers (LET) kaya siya naging ganap na guro ngayon.

“Maaayos na pangangatawan at pamumuhay. Tapos maraming blessings na dumating sa amin gaya ng pagpasa ko sa exam," ani Egam.

Ang debotong si Cynthia Aso, labis ang pasasalamat sa batang Hesus dahil mula pagkabata at ngayo’y umabot na siya ng 65-anyos, nananatiling maganda umano ang takbo ng kanilang pamilya.

Malayo sa sakit at maraming biyayang dumating sa kanilang buhay.

Lahat daw ng ito’y dahil sa walang katapusang pananalig sa batang Hesus.

Ayon kay Lieutenant Commander Ryan Gonzales, commander ng Philippine Coast Guard Station ng Zamboanga Del Sur, humigit kumulang nasa 25,000 katao o mga deboto ang dumalo sa fluvial procession.

Mas marami umano ang dumalo ngayong taon kumpara noong nagdaang taon.

“Sa palagay ko aabot ito more or less 25,000 ang mga nag-participate dito base sa aming estimate. Kinumpara namin ito, kumpara dati na ang itong pier ng PPA (Philippine Ports Authority) mas maluwag na at saka mas maraming na-accommodate natin na mga devotees," ani Gonzales.

Itong Linggo, ika-19 ng Enero, ang opisyal na pagdiriwang ng kapistahan ni Sr. Santo Niño sa lungsod na kung saan gagawin ang street at ritual dance competition.

Magiging panauhing pangdangal nitong Linggo si Davao City Mayor Sara Duterte Carpio. —KG, GMA News