Arestado ang tatlong guwardiya matapos silang mahuling nagnanakaw ng relief goods sa isang evacuation center sa Barangay Sta. Rita, Batangas City nitong Martes ng umaga.

Kinilala ng Batangas City Police Station ang mga suspek na sina Junel Roda Romano, 21; Johnson Rey Rolio Manimtim, 29; at Junito Pacatang Mañaba, 32.

Naganap ang insidente sa Batangas Provincial Sports Complex bandang alas-sais ng umaga, ayon sa mga awtoridad.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng mga pulis, ninakaw ng mga suspek ang 127 na instant noodles (P1,905), 74 na lata ng sardinas (P1,628), 19 na cup noodles (P475), 12 na plastik na naglalaman ng bigas (P1,320), at 15 piraso ng damit (P1,500).

Lahat ito ay nagkakahalaga ng P6,828, sabi ng pulisya.

Ayon sa mga awtoridad, mahaharap ang mga suspek sa kasong qualified theft. —NB, GMA News