Nanunuluyan sa ngayon ang mahigit 4,000 pamilyang evacuees mula sa iba’t ibang bayan ng probinsya ng Batangas sa Quezon province, partikular na sa mga bayan ng San Antonio, Candelaria, Sariaya, Tiaong, at Dolores.

Nakahanda umano ang lalawigan ng Quezon na magbigay ng pangmatagalang tulong para sa mga apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal, at may mga trabaho pa umanong maaaring pasukan ng mga biktima.

Photos by P. Bacuño
Photos by P. Bacuño

Iniikutan na umano ng mga tauhan ng provincial government ng Quezon, kasama si Governor Danilo Suarez, ang mga bayan na kumukupkop sa mga biktima ng Taal eruption.

Nagbigay ng food packs, tubig, damit, at iba pang tulong ang ang pamahalaang panlalawigan ang Quezon, sabay sa paglunsad ng ng programang “Yakap Kababayan.”

Ayon sa pamahalaang lokal, nakahanda sila para sa pangmatagalang tulong sa mga evacuee dahil inaasahan umano nilang matatagalan pa bago sila makababalik sa Batangas dahil sa patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Taal.

Pahayag ni Suarez, nakikipag-ugnayan na umano sila sa DepEd at CHED upang maipagpatuloy ng mga evacuee na estudyante ang kanilang pag-aaral, at mula elementary hanggang college at kanilang tutulungan.

Libre rin daw na makukuha ng mga lumikas ang hospital services sa mga pampublikong pagamutan ng probinsya.

Dagdag ni Suarez, nangangailangan raw ng maraming trabahador ang magbubukas na pagawaan ng bakal sa Quezon, kung kaya’t maaari umanong mag-apply dito ang mga nais magtrabaho.

Marami rin daw ang bakanteng puwesto sa mga tanggapan  ng mga ahensya ng pamahalaang lokal ng probinsya. Maaari rin umanong mag-apply ang mga taga-Batangas sa mga tabahong nabanggit.

Ayon naman kay Mayor Macky Boonggaling ng Candelaria, Quezon, nakausap na rin umano niya ang mga may-ari ng pabrika sa bayan at willing daw ang mga ito na tumanggap ng trabahador. —LBG, GMA News