Sa garahe ng isang farm ng mga baka sa Alfonso, Cavite lumikas ang 50 magkakapitbahay o 15 pamilya mula sa Lemery, Batangas.

Natutulog sila sa tabi ng litsunan malapit sa mga sako ng uling.

May sapin silang lona at banig sa semento.

Ang mga batang kasama nila ay may sakit na raw na lagnat, ubo, sipon at tigdas.

Madali silang lamigin dahil bukas ang harap ng garahe at diretso ang hangin sa loob.

Ang iba nilang kasama ay sa jeep piniling matulog at sa isang bakanteng gusali.

Pinayagan daw sila dito ng may-ari ng farm.

Dito nila piniling manuluyan para malapit daw sa kanilang bahay sa tuwing umuuwi sila araw-araw para magpakain ng mga alagang hayop.

Kailangan daw nila ngayon ng banig, kumot at pagkain.

Binibigyan naman daw sila ng pagkain ng barangay at ng mga dumadaang sasakyan na nakakapansin sa karatulang may nakasulat na may evacuees sa lugar na iyon.

Kumupkup din ng mga evacuee ang isang private school sa Alfonso.

Magkaklase na lang daw ang kanilang mga estudyante sa ibang palapag ng gusali.

Sa Alfonso Central School naman, may laundry area na.

Ang mga washing machine dito ay automatic—paglabas ng damit, tuyo na.

Magse-set up din ng cooking at washing area dito.

Binigyan na rin ng kanya-kanyang mga plato ang mga evacuee para huhugasan na lang at magagamit ulit.

Ayon kay Alfonso Mayor Randy Salamat, layon nito na gumawa ng isang maliit na komunidad sa evacuation center.

Pinag-iisipan din ang pagpapatupad ng cash for work program para sa mga evacuee.

Sabi kasi ng ilang evacuee, kailangan nila ng pera para mabili ang iba pa nilang gusto tulad ng mga simpleng hiling ng mga bata gaya ng ulam na hotdog.

Sa ngayon, bagamat marami pang stock ng donasyon, kailangan pa raw ng Alfonso ng karagdagang hygiene kits, diaper, underwear at pagkain tulad ng bigas.

Hindi pa raw kasi nila alam kung gaano katagal dito ang 6,738 na evacuees o 1,665 na pamilya mula sa Batangas na lumikas dahil sa pagputok ng Taal Volcano.

Posible naman na magbalik ang klase sa Alfonso sa Lunes.

Sa ngayon hanggang sa Biyernes susuriin ng mga engineer ang mga school building na niyanig ng mga lindol.

Ang mga estudyante ng Alfonso Central School ay ililipat muna sa Alfonso National High School. —KG, GMA News